Posts

Pasaring

Image
PASARING may pasaring muli ang komikero hinggil sa senaTONG na nakakulong di raw magtatagal sa kalaboso dahil sa kaytinding agimat niyon aba'y nagbiro pa si Mambubulgar sapul na sapul ang pinatamaan masa'y batid agad ang ibinulgar dahil headline naman sa pahayagan ngunit agimat ba'y tatalab kayâ sakaling siya'y makalaya agad? paano ang hustisya sa binahâ? dahil sa ghost flood control, anong bigat! o agimat ay sa pelikula lang? at di sa kurakot na puso'y halang? - gregoriovbituinjr. 01.21.2026 * mula sa pahayagang Bulgar, Enero 21, 2026, p.3

Patawa kung bumanat

Image
PATAWA KUNG BUMANAT dinadaan lang sa patawa ngunit matindi ang patamà nang sinakop ang Venezuela U.S. ba'y anong mapapalâ? yaong Venezuela may langis ang Pinas may flood control projects Pinas sasakupin? ay, mintis! talo na pag ito ang prospect talaga kang pinapag-isip ng komiks sa diyaryong Bulgar kunwa'y dyok ngunit pag nalirip may nasapul si Mambubulgar simple lang kung siya'y bumanat sa mga isyung pulitikal tilà balitang nagmumulat lokal man o internasyunal - gregoriovbituinjr. 01.12.2026 * komiks mulâ sa pahayagang Bulgar, Enero 10, 2026, p.5

Bumerang

Image
BUMERANG matapos raw ang kaytinding bagyo matapos humupà ang delubyo mababakas ang gawa ng tao basura'y nagbalikang totoo tinapon nila'y parang bumerang tulad ng plastik sa basurahan mga binasura'y nagbumerang tinapon sa kanal naglabasan parang mga botanteng nasukol na binoto pala nila'y ulol binotong sangkot sa ghost flood control na buwis sa sarili ginugol binoto'y mga trapong basura na nagsisibalikan talaga upang sa masa'y muling mambola mga trapong dapat ibasura at kung káya'y huwag pabalikin ang dapat sa kanila'y sunugin upang di na makabalik man din basura silang dapat ubusin - gregoriovbituinjr. 11.14.2025 * komiks mula sa pahayagang Bulgar, 11.13.2025, p.5    

Nasaan na si Mang Nilo?

Image
NASAAN NA SI MANG NILO? kaytagal ko nang binabasa si Mang Nilo sa komiks niyang Bugoy sa isang diyaryo napansin ko na lang nawala ngang totoo ang Bugoy sa Pang-Masa, nalulungkot ako sinesante ba siya sa kanyang patawa? sa ibang diyaryo ba'y lumipat na siya? di makagampan ng trabaho't maysakit na? o namatay na ba ang idolo ng masa? walang balita, saan ka man naroroon nawa'y maayos ang kalagayan mo roon patuloy sa patawa pagkat iyong misyon na pagaanin ang buhay ng masa ngayon salamat, Mang Nilo, at sa komiks mong Bugoy sumaya kami sa likha mong tuloy-tuloy mga patawa mo'y walang paligoy-ligoy na pag aming binasa'y talagang may latoy - gregoriovbituinjr. 10.27.2025 * litrato mulâ sa pahayagang Pang-Masa, p.7, isyu ng Agosto 25, Setyembre 3, Oktubre 5, at Oktubre 25, 2025

Dinastiya, wakasan!

Image
DINASTIYA, WAKASAN! tama si Mambubulgar sa kanyang ibinulgar isang katotohanang masa ang tinamaan ang inihalal kasi ng maraming botante ay mula dinastiya mula isang pamilya iisang apelyido ang laging binoboto mga trapong kurakot na korapsyon ang dulot upang malutas iyan DINASTIYA, WAKASAN! ito'y napapanahon kung nais ng solusyon - gregoriovbituinjr. 10.04.2025 * komiks mula sa pahayagang Bulgar, 10.02.2025, p.5

DPWH - Departamento ng Puro Walang Hiya

Image
DPWH - Departamento ng Puro Walang Hiya napakasakit na nilalamon tayo ng baha dahil sa Departamento ng Puro Walang Hiya ika nga ng mga napanood ko sa balita lalo't kabang bayan ay kinurakot ng kuhila naglitawan ang mga ghost project o guniguni gayong sa dokumento, may proyektong sinasabi ngunit wala, kinurakot ng mga walang silbi sa bayan, kundi sa kapitalista't pansarili kaya sa  Barangay Mambubulgar , naging pulutan ang nangyayaring kabulukan sa mahal na bayan kontratista at kakuntsaba sa pamahalaan kung di pa nagbaha'y di pa maiimbestigahan kaya marapat lang tayong magalit at mainis sa mga ghost flood control project na galing sa buwis ng mamamayan, mga utak ay dapat matugis parusahan at ikulong ang sa bayan nanggahis - gregoriovbituinjr. 09.08.2025 * mga komiks mula sa pahayagang Bulgar, petsang Agosto 28, Setyembre 3, 5, at 7, 2025, at litrato mula sa Primetime Balita

DPWH Contractor, gahaman daw?

Image
  DPWH Contractor, gahaman daw nagpatama na naman si Kimpoy salita'y walang paligoy-ligoy pag pamilyang gahaman sa pera ano raw ang tawag sa kanila? DPWH Contractor po aba'y kaygalang ng bata, may 'po' batid sa Barangay Mambubulgar ang kalokohan kaya nang-asar ibig sabihin, na kahit bata na danas din marahil ang baha na pondo sa proyektong flood control ay bayan talaga ang binudol kawawang bayan kong walang alam kung di nagbaha'y di malalaman dapat lang imbestigahan ito maysala'y parusahang totoo - gregoriovbituinjr. 09.05.2025 * komiks mula sa pahayagang  Bulgar , Setyembre 2,2025, p.4