Posts

Showing posts from January, 2025

Wakasan ang dinastiya

Image
WAKASAN ANG DINASTIYA karaniwang kasabihang alam sa pamilya: "The family that prays together, stays together!" ngayon, may kasabihan hinggil sa dinastiya: ang  "The family that runs together, robs together!" paalala mula sa Barangay Mambubulgar hinggil sa pamilyang tumatakbo sa halalan wakasan na ang dinastiyang nakakaasar kung sila na naman ang mananalo sa bayan iisang pamilya, tumatakbong sabay-sabay  ang ama ay gobernador, ang ina ay mayor anak pa'y kongresista, di ka ba nauumay may tatlo pang nais sabay-sabay magsenador pare-parehong apelyido, iisang mukha serbisyong publiko na'y pampamilyang negosyo pinalakas ang ayuda para sa dalita upang mahamig lang ang boto ng mga ito dapat wakasan ang dinastiya't elitista sapagkat di lang kanila ang kinabukasan manggagawa naman, at di na trapong pamilya itayo na natin ang makataong lipunan - gregoriovbituinjr. 01.29.2025 * mula sa pahayagang Bulgar, 01.28.2025, p.5

Goodbye Daliri

Image
GOODBYE DALIRI Goodbye Daliri  ba ang paputok na iyon na pantaboy daw ng malas sa Bagong Taon subalit daliri niya yaong nataboy nasabugan ng labintador, ay, kaluoy bagamat sa komiks iyon ay usapan lang subalit batid natin ang katotohanan sapagkat maraming naging PWD nais lang magsaya, ngayon ay nagsisisi dahil sa maling kultura't paniniwala ay maraming disgrasya't daliring nawala di naman babayaran ng kapitalista ng paputok yaong pagpapagamot nila sana ang tradisyong kaylupit na'y mabago nang disgrasyang ganito'y maglahong totoo - gregoriovbituinjr. 01.03.2025 * larawan mula sa unang pahina ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, 2 Enero 2025