Posts

Showing posts from February, 2025

Kawawa naman ang buwaya

Image
KAWAWA NAMAN ANG BUWAYA kawawa naman ang buwaya sa tusong trapo iginaya dahil ba sa kapal ng balat o pangil, kaytinding kumagat buwaya'y tawag sa tiwali lalo't trapo'y tengang kawali sa hirap at dusa ng dukha sa bayan ay walang ginawa nakatanghod lamang sa kaban ng bayan ang nanunungkulan imbes sa masa kumakampi ay sa burgesya nagsisilbi kabang bayan ang nasa isip pati alagad nilang sipsip buwaya'y kawawang totoo pagkat itinulad sa trapo - gregoriovbituinjr. 02.24.2025 * batay sa komiks na Bugoy sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 23, 2025, p.7

Huwag nang iluklok ang walang nagawa

Image
HUWAG NANG ILUKLOK ANG WALANG NAGAWA wala raw nagawa ang kapitan ang puna ng isang mamamayan nais ng anak pumalit dito pag natapos na raw ang termino simpleng puna lang ng Mambubulgar katotohanang nakakaasar ganito'y hahayaan lang natin? sila pa ba ang pananalunin? tila komiks ay nagpapatawa ngunit hindi, komiks ay konsensya ng bayan at mga naghihirap dahil nakaupo'y mapagpanggap pangako, bayan daw ay uunlad subalit progreso'y anong kupad matuto na tayo, O, Bayan ko huwag nang iluklok iyang trapo - gregoriovbituinjr. 02.18.2025 * mula sa pahayagang Bulgar, 02.18.2025, p.4

Nadakip si Kupido

Image
NADAKIP SI KUPIDO sa komiks lang nakita ito at napasaya akong sadya nadakip kasi si Kupido sapagkat may hawak na pana naka-brief lang, kaya hinuli baka may pusong mapadugo baka makapanakit kasi sa sinumang nasisiphayo ayon daw sa mitolohiya layunin niya ang panain ang dalawang pusong nagkita upang bawat isa'y ibigin datapwat sa panahon ngayon si Kupido'y alamat na lang patuloy man ang kanyang misyon sa komiks na'y kinatuwaan - gregoriovbituinjr. 02.15.2025 * mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 14, 2025, p.7

Isang kahig, isang tuka

Image
ISANG KAHIG, ISANG TUKA tulad daw ng manok / ang buhay ng dukha pagkat sila'y isang / kahig, isang tuka sa bawat pagkilos / ay kakaing sadya pag di nagtrabaho, / pagkain ay wala parirala itong / palasak sa bayan upang ilarawan / yaong karukhaan maagang gigising / at paghahandaan ang isang araw na / lalamnan ang tiyan kaya tinatawag / silang mahihirap ng tusong burgesyang / pawang mapagpanggap sangkahig, santuka'y / wala raw pangarap mga maralitang / walang lumilingap bawat kinikita'y / para sa pagkain di sa luho, gamit, / o anupaman din bawat pagkahig mo'y / pang-ngayong pagkain wala para bukas / at kakahig pa rin - gregoriovbituinjr. 02.08.2025 * komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 6, 2025, p.7    

Trapo kadiri

Image
TRAPO KADIRI dati pang-marginalized ang party list ngayon mga trapo ito'y pinuslit di naman marginalize, nagpumilit na party list na'y kanilang magamit magbabalot na raw ang isang donya isang artista'y nominee ng gwardya asendero'y nagkunwang magsasaka nominado rin ay kapitalista nababoy na ang party list na batas pinaikutan na ng mga hudas kinalikot ng mga balasubas kinutinting ng mga talipandas kayraming billboard upang matandaan ng botante ang kanilang pangalan ngunit babawiin sa mamamayan ang ginastos nilang trapong gahaman mga trapo kasi ang nominado dinastiya'y pinasok na rin ito dapat sa kanila'y huwag iboto iba naman, di ang kupal na trapo - gregoriovbituinjr. 02.07.2025 * mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 6, 2025, p.4

Mas makapal ang balat ng trapo

Image
MAS MAKAPAL ANG BALAT NG TRAPO kaytinding banat ni Pooroy sa komiks siya'y para ring environmentalist endangered na raw ang mga buwaya ngunit corrupt politicians ay di pa balat daw ng buwaya ay makapal magandang pangsapatos, magtatagal mas maganda raw ang balat ng trapo mas makapal, di pa endangered ito kung babasahin mo'y pulos patama di lang patawa, mayroong adhika ang masapol kung sinong masasapol marahil pati sistemang masahol natawa man tayo ngunit mabigat totoo sa buhay ang kanyang banat - gregoriovbituinjr. 02.03.2025 * mula sa pahayagang Remate, Pebrero 3, 2025, p.3