Posts

Showing posts from July, 2025

Relief goods

Image
RELIEF GOODS mahilig pa rin talagang mang-asar si Kimpoy ng Barangay Mambubulgar kadalasan, komiks ay pagbibiro ngunit may pagsusuri ring kahalo: nagtanong ang anak sa kanyang ina relief goods na mula taga-gobyerno ay ubos na raw ba? sagot sa kanya bigay ba nila'y tatagal? tingin mo? saan aabot ang sangkilong bigas sa atin lang, kulang na sa maghapon at ang dalawang lata ng sardinas isa'y ginisa, isa'y agad lamon mahalaga'y mayroon, kaysa wala at isang araw nati'y nakaraos di tayo nganga, bagamat tulala saan kukunin ang sunod na gastos ang mga nagre-relief ay may plano ilan ang bibigyan, pagkakasyahin at kung nabigyan ka, salamat dito kahit papaano'y may lalamunin subalit kung tiwali ang nagbigay nitong sangkilong bigas at sardinas baka wala tayong kamalay-malay yaong para sa atin na'y may bawas - gregoriovbituinjr. 07.24.2025 * litrato mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 24, 2025, pahina 3

Puna sa bitay ni Bato

Image
PUNA SA BITAY NI BATO ang hepe ng tokhang, senador na ngayon ay nagpanukala raw ng pagbabalik nitong death penalty, kayo ba'y sang-ayon bagamat ang puna ay mula sa komiks aking sinaliksik ang mga balita may panukala ngang gayon ang senador subalit sa komiks ay mahahalata pangmahirap ang death penalty, que horror paano naman pag ang sentensya'y mali maibabalik ba ang nawalang buhay ano ba talaga ang kanilang mithi? dati, gawa'y tokhang, ngayon nama'y bitay si Pooroy, pinuna'y panukalang iyan mahihirap lang daw yaong mabibitay dalawang kaso nga'y suriin at tingnan mayamang Jalosjos, dukhang Echegaray - gregoriovbituinjr. 07.16.2025 * komiks mula sa pahayagang Remate, Hulyo 16, 2025, p.3

Basura

Image
BASURA nang sumigaw ang maton sa daan ng  "Lumabas ang matapang diyan!" ginawa ng mga kapitbahay basura'y inilabas na tunay sila ang matatapang talaga binigay sa maton ang basura ano ngayon, saan ang tapang mo basura tuloy para sa iyo maton ba kaya talak ng talak ay nanghiram ng tapang sa alak bakit ba naghahanap ng away? kanino galit? mata'y mapungay? basura ba ang asal ng maton? kaya basura'y ipinalamon? minsan sa komiks inilalantad ang katotohanang tila hubad - gregoriovbituinjr. 07.13.2025 * komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Hulyo 9, 2025, p.7

Palasimba raw

Image
PALASIMBA RAW nangyayari sa totoong buhay ang sa komiks ay kanyang palagay palasimba'y palamurang tunay kaplastikan nga ba yaong taglay? palasimba'y sumagot, sa halip na buti'y depensa ang naisip wala raw dapat basagan ng trip tanong ko sa kanya pag nahagip: palasimba, bakit palamura? ang buhay mo ba'y ganyan talaga? palamura'y bakit nagsisimba? upang sala mo'y patawarin na? minsan komiks ang naglalarawan ng buhay at ng katotohanan na di lang pulos katatawanan kundi pag-isipin ka rin naman - gregoriovbituinjr. 07.10.2025 * mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 9, 2025, p.5