Posts

Showing posts from August, 2025

Saksakan ng yabang

Image
SAKSAKAN NG YABANG akala ko'y anong napagkwentuhan napanood daw ba'y mga saksakan akala ko'y may rayot, nagsaksakan e, iba pala, saksakan ng yabang ang ibig sabihin, mga palalo sa pribadong pag-aari'y rahuyo mamahaling sasakyang presyo'y ginto akala'y kung sinong di mo mahulo ngunit katas daw ng pondo ng bayan ang sinabing mamahaling sasakyan sino kaya ang politikong iyan? o personaheng saksakan ng yabang? buwis ng bayan daw yaong ginamit ng diyaskeng sa kaban ay nangupit sino sila, sinong dapat masabit? ganyang sistema'y bakit nakapuslit? dapat imbestigahan iyang sukat! sa Barangay Mambubulgar, salamat nasa komiks subalit bumabanat sa mga isyung sa bayan nagkalat - gregoriovbituinjr. 08.26.2025 * mula sa pahayagang  Bulgar , Agosto 25, 2025, p.4

Isinantabi

Image
ISINANTABI sadyang iba ang isinantabi kaysa binasura, nariyan lang itinago lang, iyan ang sabi ng mga senador na hinirang ibig sabihin, di pa abswelto ang pinatutungkulang pinunò at mapapakinggan pa ng tao kung buwis ng bayan ba'y tinagò aba'y maipepresenta kayâ sa bayan anumang ebidensya mababatid pa kayâ ng madlâ kung paano nalustay ang pera lalo na't buwis ng bayan, buwis ang nagamit, paano nilustay makapangyariha'y nanggagahis taumbaya'y nayurakang tunay - gregoriovbituinjr. 08.19.2025 * komiks mula sa pahayagang Remate, Agosto 19, 2025, p.3

Plastik at baha

Image
PLASTIK AT BAHA kayraming plastik palang nagbabara na pinagtatapunan ng basura sa mga imburnal kaya may baha sa iba't ibang daluyan ng tubig sa lugar pang inihian ng daga kayrami ring plastik ang nagsasabi: "Bawal magtapon ng basura dito!" ngunit kapitbahay siya'y bistado na madalas magtapon ng basura sa imburnal malapit sa kanila kailan matitigil ang ganito kung tao mismo'y walang disiplina pag nagka-leptospirosis, kawawa ang mga mapapalusong sa baha ingat po, ingat, mga kababayan dapat pang ipaalam pag nagbara ang imburnal nang dahil sa basura ay magbabaha, kawawa din sila tao'y maging disiplinado sana subalit ito'y pangarap na lang ba - gregoriovbituinjr. 08.09.2025 * litrato mula sa editorial cartoon ng pahayagang Bulgar, Hulyo 31, 2025, p.3